Print

Higit pang paiigtingin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatupad sa mga environmental laws ngayong taon upang maipagpatuloy ang nasimulang rehabilitasyon sa Isla ng Boracay at iba pang mga nagawa ng ahensiya sa taong 2018.

“This year, I hope to send a strong message to environmental offenders and to the public of our seriousness in implementing and enforcing environmental laws, rules and regulations,” sabi ni Secretary Roy A. Cimatu sa ginanap na DENR New Year Call na idinaos sa DENR central office sa Quezon City.

Ang tradisyunal na New Year’s Call ay ang pagsasama-sama ng kalihim at ng iba pang opisyal at empleyado ng DENR upang mabigyan ng prayoridad ang mga programa at proyekto na ipatutupad sa buong taon at ito rin ang pagkakataon ni Cimatu upang ipresenta ang kanyang mga nagawa sa kanyang pinamumunuang ahensiya.

Ayon kay Cimatu, maituturing na “centerpiece” para sa taong 2018 ang rehabilitasyon ng Boracay na pinamuan ng DENR kasama ng iba pang ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF).

“With the eyes of the world upon us, we set forth to do what cynics thought was impossible: to transform a cesspool back to being one of the world’s best beaches and swimming destinations, within a period of only 6 months,” sabi pa ng kalihim.

Dagdag pa nito, “In Boracay, our mettle was put to test. We not only passed that test, but also carried over the momentum to other prime ecotourism destinations like El Nido and Coron in Palawan, Panglao Island in Bohol, and Puerto Galera in Oriental Mindoro.”

Aniya, ang rehabilitasyon ng Boracay ay maituturing na tagumpay ng DENR dahilan upang isunod na gawing “big target” ng ahensiya ang Manila Bay rehabilitation.

Kinakailangan umanong kakaiba ang mga hakbang sa gagawing rehabilitasyon ng Manila Bay dahil na rin sa dumi ng tubig bagama’t may kautusan ang Supreme Court (SC) para sa paglilinis nito may isang dekada na ang nakalipas.

“We are putting up a Manila Bay command center, we will get the local government units more involved, and we will be more aggressive in enforcing environmental laws, particularly against the discharge of untreated wastewater into the bay,” sabi pa ng kalihim.

Bukod sa matagumpay ng rehabilitasyon ng Boracay, sinabi pa ni Cimatu na nagtagumpay din ang DENR sa pagpapatupad ng Clean Water Act sa pangangasiwa ng National Water Resources Board (NWRB) noong 2018.

Umabot sa 486 commercial establishments ang naipasara ng NWRB dahil sa pagkakaroon ng iligal deep wells habang ang Pepsi Cola Products Inc. ay pinagmulta ng halagang P11.8 million dahil sa walang kaukulang permisong anim na deep wells sa Muntinlupa City.

Pinuri din ni Cimatu ang pinagsanib na pwersa ng DENR, National Bureau of Investigations (NBI) at ng Cebu City government dahil sa pagkakaaresto sa mga nagbebenta ng mahigit 100 kilo ng raw meat ng endangered green sea turtle.

“In our hands and on our shoulders, lie the future of our nation. In the crucial 11th hour facing climate change and all its chilling effects, we are at a very critical time to make dramatic changes,” sabi pa ni Cimatu. ###